Ser! Ser! Baka naman po pwedeng makahingi ng tulong. Pambili lang po ng pagkain para sa amang ko, at kung may sosobra, pang-almusal ko na rin po, hindi pa po kasi ako nag-aagahan eh. Ser, kahit barya lang po ser… Sige na po ser, maawa na po kayo, mabuti pa nga po kayo eh, may trabaho, may inaasahang dadating, hindi po gaya ng isang tulad ko, o di kaya, tulad ng amang ko .Mahina na po sya. Puro lamig sa katawan at lamig sa tiyan na nga po ang nararanasan namin. Ang swerte swerte niyo po. Sa tindig at porma niyo pa lang halatang may pinag-aralan kayo, may trabaho at kaya niyo ang hirap ng buhay. Samantalang ang isang tulad ko, umaasa na lamang sa mga tulad niyo. Batid ko na po na hindi na ‘ko makakapag-aral, dahil nga po sa hirap ng buhay, kaya nga po bukas na rin ang isip ko na hindi na ako magkakaroon ng matinong trabaho. Siguro nga po, habang buhay na akong ganito, katok ng katok sa salamin ng mga sasakyan niyo, katok ng katok sa mga puso niyo. Kaya nga po sana mabigyan niyo po ako ng kahit katiting na barya lamang po galing sa malaman niyong bulsa. Ser, maawa na po kayo… maya maya lang po, dadating na naman ang mga pulis, huhulihin na naman nila ang mga tulad kong namamalimos. Hay, bakit po kaya sila ganun? Bakit kaya nila pinagbabawalan ang manghingi ng tulong ang tulad kong wala namang pagkukunan? At pag hinuli nila kami, halos patayin nila kami sa mga mura… “Putang ina ninyong mga bata kayo! Hindi ba kayo matuto-tuto? Sinabi ng bawal mamalimos sa lansangan! Mga lintik, mga hindi nakakaintindi! Hulong na kayo sa inyo at ‘wag na ‘wag ko na kayong makikita dito! Kung hindi, papuputukan ko kayo sa mga ulo nyo!!!” Halos masaulo ko na yung mga sinasabi ni SPO1… Lagi po kasi ako nahuhuli eh. Hindi naman po sa matigas ang ulo ko, pero sabi ko nga, sa mga tulad niyo lamang po ako umaasa.
Ano po bang pakiramdam ng kumakain sa hapag kainang maitatawag?…yung may pinggan, kutsara, may pagkaing sapat… Hindi ko po kasi maalalang nakakain na ko sa ganoon eh. Alam ko po na lagi ninyong nararanasan ‘yon. Hindi ko naman po hinihiling na pagkalooban ninyo ako ng isang hapag. Kapiraso lang ng kaya ninyo ang hinihiling ko, kaya ko naman pong magtiis sa nakasanayan ko eh. Ano po bang pakiramdam ng magpahinga sa mainit at malambot na kama? Napakaswerte niyo po at hindi po sa malamig at matigas na kalsada kayo nagpapahinga… Si amang po kasi madalas sa kalsada nakahiga, at batid kong malapit na syang magpahinga. Ano po bang pakiramdam ng binibigyan kayo ng sweldo ng boss niyo? Masaya po ba? Pero hinding hindi po noon matatawaran ang kasiyahang nararamdaman namin sa tuwing aabutan kami ng tulong. Ano po kayang pakiramdam ng mga mayayamang madaming lupaing hindi naman nagagamit? Napakadami pong lupain ng mga mayayaman, samantalang kaming mga dukha, wala kaming matirahan, ni bubong na masisilungan sa tuwing bubuhos ang ulan. Ano po bang pakiramdam ng nag-aaral? ‘Yung sa tuwing uuwi ka sa bahay, may bago kang natutunan, bagong salita, bagong kanta… Sa tuwing uuwi po kasi ako, ang natututunan ko lang eh yung mga pagmumura sa amin ni SPO1.
Ah… eh… Sa totoo lang po, hindi ko po alam kung ilang taon na ako. Hindi na rin naman po alam ni amang eh, hindi rin po alam ng kuya ko. Ang pangalan kong Tonton nga lang po ang alam ko tungkol sa pagkatao ko. Pamilya ko po? Sabi po ng amang ko, siyam daw po kaming magkakapatid, yung kuya ko lang po at si Nene ang nakikita ko. Hindi na po alam ng amang ko kung nasaan yung iba, isinama po yata nung nanay ko… Eh yung nanay ko eh lumayas po mula nung malaman niya na may sakit po si amang, bata pa po ako noon, kaya hindi ko po alam kung saan po sila nagpunta. Ikinuwento na lamang sa’kin ni amang ang mga nalalaman ko. Ah, doon po kami nakatira sa may terminal… Opo, si kuya lang po ang nagtatrabaho doon. Barker po sya doon pag umaga tapos pag gabi po manginginom naman po, kaya wala kaming aasahan don. Sakit po ni amang? Hindi ko po alam eh, wala pa po akong muwang nang magkasakit sya, kaya hindi ko po alam kung ano po iyon. Mahinang mahina na nga po sya eh, si Nene po ang nagbabantay sa kanya, tulad ko po, wala din po siyang alam.
‘Yan din po ang sabi sa ‘kin ng mga iba kong hiningian ng tulong. Umuwi na daw po ako sa amin at hayaan ko daw na agulang ko ang magtrabaho para sa akin, pero hindi naman po nila ako naiintindihan, hindi ko naman hahayaan na si Amang pa ang magdidilihensya para sa akin,hindi nya po iyon kaya. Kaya ako na po ang nagdidilihensya para sa kanya, at kung may sosobra, para rin po sa akin at kay Nene, kaya lang bihira po talaga mangyari yun eh. Madalas po kasing magkahulihan. Sige na po ser, kahit kaunting tulong lang… ‘Wag niyo naman po sana akong tanggihan…
Sige po ser! Salamat po. Malaking tulong na ito para sa amin ni amang at Nene. Napakabait niyo po. Sana po ay dumami pa ang mga katulad niyo. Mapagtanto niyo po sana kung anuman ang meron kayo. Kasi kung anuman po ang meron kayo, higit pa po ‘yon sa pangarap ng isang tulad ko. Sige po. Hanggang sa muli po.
O mga tol, tara na, karakrus na tayo… May barya na uli ako! Babawian ko kayo.
